A peek into my cerebral activities. The science, discourse and ideology of Aya. Original quotes, modern-day parables and creative analogies...AyAlogies. Everything is connected! Nothing is impossible!
Search This Blog
Saturday, July 31, 2010
Kung Maiksi ang Kumot, Matutong Mamaluktot
Napansin kong maraming salawikaing Pilipino na bagamat sa kagyat ay maganda ang mensahe tila ang mga ito ay atrasado, negatibo at nagpupugay sa pagtitiis. Naisip kong baka naman panahon nang baguhin ang ilan dito.
Isa sa salawikaing tinutukoy ko ay: kung maiksi ang kumot, matutong mamaluktot.
Di ko maintindihan kung anong klaseng laba ang ginawa para umiksi ang isang kumot. Bigla kayang dumami ang gumagamit ng kumot kaya kinapos? O baka naman maiksi na talaga nung binili. Iisa lang ba ang kumot nila?
Di rin ako sang-ayon sa payo na dapat matuto mamaluktot. Maling posture ang baluktot matulog. Kung mali ang posture mo sa pagtulog, hindi ka makakatulog ng mahimbing. Malamang mainit ang ulo mo kinabukasan. Pano ka makakabili ng mas malaking kumot kung di maganda ang gising mo?
Naiintindihan ko naman na hindi literal ang mga salawikain. Gayunpaman, kung ang hangad nito ay maisalarawan ang konsepto upang mas madaling maintindihan ang aral--ang pamamaluktot o pagtitiis sa panahon ng kakapusan ay hindi nakakatulong upang pahabain ang kumot. Ang ibig kong sabihin, may mas aktibong dapat gawin ang taong may maiksing kumot. Hanggang kailan sya mamamaluktot?
May joke pa nga na kung maiksi ang kumot, sa baby ipagamit. Mas may sense pa yata ang joke kesa sa totoong salawikain. Nararapat lang na baguhin na ito.
Ano-ano ba ang dahilan ng pagiging kapos ng kumot? Tumangkad ka ba? Umurong ang laba? O may naki-share?
Hindi overnight ang pag-laki...malamang kung tumangkad ka, may pambili ka na ng mas mahabang kumot. Kung sobrang tangkad mo, aba'y magbasketball player ka. Kung magkaganon, hindi lang kumot pwede mong bilhin...kahit comforter o mas mahabang kama pa. Ang ibig kong ipakiwari hindi overnight ang paglaki ng gastos. Habang tumatanda tayo, dapat lamang na lumaki din ang kita natin at nakapag impok na tayo kung sakali mang umiksi ang kumot.
Kung mali ang laba. Sino ba ang nag-laba? Dapat lang siguro na pagbayarin ang may sala. Kung ikaw ang nagkamali, iisa lang ba talaga ang kumot mo? Manghiram ka kaya muna? Tapos bumili ka ng kumot pag-sale. Isauli ng maayos ang hiniram na kumot. Kung hindi ikaw ang dahilan ng pag-iksi ng kumot o pagiging kapos mo, fair lang na maningil. Wala tayong mararating kung laging palalampasin ang may sala. Mabuting ugali ang magpatawad pero wag tayong maging bulag sa pagbabayad sala. Kung ikaw ang dahilan at emergency bat ka kinapos, wala naman sigurong masama kung manghiram ka muna. Basta ba't tumupad ka sa usapan at gumawa ng paraan para magkaron ka ng sarili mong kumot sa lalong madaling panahon.
Kung may naki-share ng kumot, gusto mo ba yung katabi mo o napipilitan ka lang? Wag magtiis kung napilitan ka lang dyan sa nakikishare ng kumot mo. Kung gusto mo naman ang katabi mo, masarap talagang magsiksikan pero hindi tatagal, gugustuhin nyo din ng space at kakailanganin nyo din ng mas malaking kumot. Dahil dalawa kayo, malamang pwede nyo nang hatian ang pagbili ng mas malaking kumot. Kung wala syang maibibigay na share siguro naman may silbi sya sa buhay mo kahit inspirasyon lang...pag inspirado, umaasenso...kalaunan makakabili ka din ng mas malaking kumot.
Marahil masyado na akong nagiging pilosopo. Naisip ko pa ngang siguro nung panahong nagawa ang salawikaing yan, wala pang global warming o wala pang electric fan pantaboy sa lamok. Kailangan pa ba talaga ng kumot ngayon? Isang kumot lang ba dapat?
Di ko pa naiisip pano babaguhin ang salawikaing yan. Ang alam ko lang, ayaw kong mamaluktot at hindi ako magtitiis sa baluktot na ugali ke may kumot man o wala.
Itutuloy...
P.S. Isa itong re-post mula sa aking Friendster blog na may title na "ABAKADA MO 'TO". Minarapat kong ilipat upang mabasa bago makalimutan ng panahon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment