Ika-30 ng Setyembre 1980 ng ako'y ipinananganak. Gayunpaman, sa aking diwa, hindi ang petsang yan ang simula ng aking kwento pagka't ako'y bahagi ng kasaysayan ng aking bansa. Naniniwala rin ako na bago pa man ako sinilang, mayron nang nakalaang layunin ang aking buhay. Kung ano man 'yon, hindi pa malinaw at hindi ko pa napagtatanto. Ang mahalaga sa ngayon ay hindi ako sumusuko upang malaman, maintindihan at kung ito'y bumungad sa akin...gawin ng buong puso't lakas upang maisakatuparan ang layuning iyon.
Bukod sa layunin, isang bumubuhay sa aking kaluluwa ngayon ay ang paniniwalang narito ako upang umibig. Ng ano? Ng lahat -- tao, kalikasan, mga konseptong dalisay gaya ng karapatan, kalayaan, pananampalataya at iba pa.
Isa akong babae. Mahina ngunit matatag.
Isa akong anak at apo. Pumipiglas sa imaheng ako'y bata pa ngunit aminadong kailangan ko sila.
Isa akong kapatid. Mapang-asar ngunit mapag-mahal.
Isa akong kaibigan. Mahirap hanapin kahit laging nandyan.
Isa akong empleyado. Nangangarap yumaman, natatakot sa pag-sikat.
Isa akong mamamayan. May opinyon, kulang sa aksyon.
Isa akong Katoliko. Makasalanan ngunit gustong mapunta sa langit.
Ako, kagaya mo ay bahagi ng abakada.
Araw-araw nagsusumikap magpakatao.
Balewala ang hirap at sakit, mapaligaya lang ang mga minamahal.
Kailangan ng kaibigan, kausap at kalinga. May kwento.
Dakila at may dangal, pagkat tayo'y tao.
Hangad kong maisulat ang akda ng mula sa puso at bukas ang kamulatan. Sa panitikang ito, magkaron nawa ng boses ang payak na kwento ng masa. Hindi lang ito sa akin...abakada mo'to.
* Tranferred from my Friendster blog ABAKADA MO 'To.
No comments:
Post a Comment