A peek into my cerebral activities. The science, discourse and ideology of Aya. Original quotes, modern-day parables and creative analogies...AyAlogies. Everything is connected! Nothing is impossible!
Search This Blog
Friday, July 23, 2010
ABAKADA KO
Maraming beses ko na yata naisip na abnormal ako. Kahapon lang natanong ko ito sa Mama ko. Ewan bakit sa panahong akala ng tao na down ako, eto ako't excited na excited na parang wala akong pinangangambahan?
Ang paniniwala ko kasi blessing ang mga panahong ito. Ilan nga bang kasing edad ko ang nagkasakit ng higit 6-na buwan, aalis sa trabahong naging tahanan ko rin ng halos 4 na taon, magbabayad ng utang na makalaglag upuan at magsisimula ng bagong buhay na wala ang taong halos isang dekada ko ring kasama? Exciting di ba?
Sa totoo lang, kapag ang sitwasyon ay nakalulugmok natutuwa ako dahil alam kong pasasaan ba't aangat din ako, matatapos din ito at pagkatapos ng lahat may natutunan ako, malalamang mas naging mabuti akong tao dahil sa karanasan na yon at kung tama ang pagtahak ko sa "episode" na ito mas may karapatan akong magbahagi ng payo sa iba. Pakiramdam ko hindi ko hawak ang sarili ko sa mga panahong ito. Parang may invisible hand at secret voice na gumagabay sa kin kung ano ang gagawin, saan pupunta, ano ang sasabihin, sino ang kakausapin. Hindi ko kontrolado ang kamay at boses na iyon pero alam kong choice kong sumunod o hindi. Salamat naman at hindi pa ako napapahamak ng todo.
Nung bata pa ako sobra akong sakitin na halos every quarter yata nasa ospital kami dahil sa asthma. Subalit hindi naging hadlang iyon para hindi ako mag-aral. Dahil nga lagi akong absent, binibigay ko ang 300% ko kapag present ako sa klase para makabawi. Akalain mong kalaunan bawat taon 1st Honor pa ako at naging Valedictorian pa nga. Nakakasali rin ako sa mga Quiz Bee at inter-school activities kahit na hikain ako...mahina lang talaga ako sa PE. Hindi naman siguro abnormal yun.
Pag-dating ng High School, baguhan ako sa Paco at wala akong kilala ne-isang estudyante. Di ko akalain na pag-dating ng 3rd year ako pa ang nanalong Vice President ng Student Council...landslide pa yata sa populasyong halos dalawang libo. Nagkaron pa nga ako ng dilema bago mag-4th year dahil ako rin ang Junior Associate Editor ng Gazette at kailangan isang major organization lang ang pamunuan. Wala akong pinili sa dalawa nung 4th year ako. Pinili kong maging anak at ate...ka-barkada at simpleng estudyante. Enjoy naman ako. Abnormal ba?
May hang-up pa yata ako sa pagiging sakitin kaya nung College gusto kong patunayan sa sarili ko na hindi ako weakling. Pag may asthma, mahirap mag-salita dahil nakakahingal. Dahil dito malakas ang kagustuhan kong maging boses ng mga hindi nakapagsasalita o takot mag-salita. Naging laman ako ng kalye bilang isang aktibista. Parang kulang pa ang challenge kaya sumali pa ako sa isang sorority kahit ga-bundok ang takot kong baka hindi na ako makalabas ng buhay. Ang sarap ng feeling...hindi ako quitter, hindi ako weakling. Abnormal?
Kahit nung nag-trabaho ako buong-buo ko ring binibigay ang sarili ko kahit para sa iba e trabaho lang yon. Parang dikit sa kaluluwa ko kasi na mapasaya, makapag-serbisyo at maibigay kung ano ang nararapat. Lagi kong target na higitan pa kung ano ang naibigay ko na. Walang pagkakaiba sa kin kung ang sweldo ko ay 10thousand o 100thousand o kahit pa 1milyon...pareho ang binibigay kong dedikasyon, oras at puso. Abnormal talaga no?
Sa love life naman marami rin akong katangahan. Give kung give pero pag natauhan mapapalitan ng move on kung move on. Kung akala ng iba sa kaliwa ako papunta, kakanan ako...minsan kakaliwa ng konti pero pa-derecho talaga. May pagka-unpredictable ako para sa iba pero sa mga tunay na nakakakilala sa akin, simple lang naman talaga ako...may pagka-weird lang minsan...may pagka-abnormal.
Kung ganito ang maging abnormal buong puso kong ihahayag na masaya maging abnormal. Mahirap talaga ako espelengin. May sarili kasi akong pag-iisip...yan ang ABAKADA ko.
P.S. Isa itong re-post mula sa aking Friendster blog na may title na "ABAKADA MO 'TO". Minarapat kong ilipat upang mabasa bago makalimutan ng panahon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment