Ang pinakamahirap daw gawin ay mag-simula. Maraming demonyo sa sarili ang kailangang kalabanin at maraming pagdududa sa iba ang dapat pangibabawan.
Tatlong taon ako ng magsimulang mag-aral. Marami akong nursery rhyme tapes na may kasamang libro at tila na-memorya ko kung kailan lilipat ng pahina. Ayon sa kwento ng nanay ko, tuwang-tuwa silang makitang para akong nagbabasa. Ang totoo, hindi talaga ako marunong.
Sakitin ako nung bata. Hanggang ngayon yata ako’y sakitin pa rin (pero ibang kwento na to). Dahil sa pagiging sakitin, hindi ko natapos ang prep sa La Consolacion College. Nilipat nila ako sa National Teacher’s College upang ipagpatuloy ang pag-aaral. Anila may mga student teacher doon na maaari akong tutukan. Ganun pa man, muntik na akong umulit ng Kinder dahil hindi ako natutong magbasa. Asar talo ako dati na kahit Grade 1 hindi ako makaka-abot. Sayang naman ang pangarap ng abugado kong tatay at matalino kong nanay. Sayang, panganay pa naman ako.
Pinagtyagaan ako ng nanay na turuan ng ABAKADA. Hindi naman pala ako ma-purol. Kailangan ko lang ng TLC. Salamat sa pag-unawa ng aking teacher, naka-graduate din ako ng Kinder. Para namang naaliw ako kababasa at ka-aaral naging First Honor ako mula Grade 1 hanggang Grade 5 at naka-graduate ng Valedictorian sa Elementarya. Lahat ng yan dahil sa ABAKADA at iba pang TLC na natanggap ko habang ako’y lumalaki.
Nung hindi pa ako marunong mag-basa, parang ang galing-galing ng lahat at ang bobo bobo ko. Sa mga payak palang pagsasama ng mga patinig at katinig, dagdagan ng konting tyaga at TLC, mamumulat pala ako sa mundong lahat ay posible. Nagkaron ako ng kumpiyansa sa sarili kahit ako’y sakitin. Mula sa kumpiyansang iyon, umapoy ang hangarin kong makatulong din sa iba.
Sa ngayon, ang tanging hadlang sa hindi ko pag-sulat ay katamaran at kawalan ng inspirasyon. Hanggat may ABAKADA, may salita. Hanggat may salita maaari itong tahiin ayon sa diwa ng damdamin at sigaw ng kaluluwa. Hindi lang ito ang Tagalog version ng sinisimulan kong blog na ABCs of Aya. Ito’y higit na malalim pagka’t naka-angkla ito sa wika ng aking lahi. Hanggat may ABAKADA ay may kwento. Ito ay blog ko upang ikwento sa masa ang kwento nila.
Mahirap din daw ang magpatuloy sa sinimulan. Maraming demonyo sa sarili ang kailangang kalabanin at maraming pagdududa sa iba ang dapat pangibabawan.
Ano mang hirap–sa simula man, sa gitna o sa huli–alam kong bawat pagbagtas sa yugto ay may dalang sariling hamon. Habang nalalampasan ang mga hamon, tumitindi ang susunod na pagsubok, tumatatag at tumitindi din ang kakayahan nating harapin ang mga mahihirap ispelengin sa buhay. Nawa’y sabay tayong bumanyuhay sa buhay.
Ikaw? Kamusta ba Ka-Abakada?
P.S. Isa itong re-post mula sa aking Friendster blog na may title na "ABAKADA MO 'TO". Minarapat kong ilipat upang mabasa bago makalimutan ng panahon.
No comments:
Post a Comment